Long Distance Relationship NO MORE






May 15, 2015  

Nasa trabaho pa lang ako, nanginginig na ang buong katawan ko. Siguro ay dahil sa excitement na nararamdaman ko at kaba dahil sa ito ang kauna unahang pagkakataong makakasama ko ang taong mahal ko. Ito na siguro ang araw na hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko, dahil sa pagka haba haba ng panahong paghihintay ko, sawakas! mahahawakan at masisilayan ko narin si Patricia Marie Lipana.

Paguwi ko ng bahay, 5AM, nag-ayos agad ako at naglinis ng kwarto habang papunta narin sila ng Airport. Habang nag-aabang ng oras, 12 ang dating niya dito, kinakabahan naman ako. Ramdam kong ang lakas ng tibok ng puso ko dahil hindi ko alam ang gagawin ko kapag nakita ko na siya. Imbis na matulog ay hindi ko narin nagawa dahil baka lumagpas ako sa oras at mapanis siya kakahintay doon.

11:50 AM

Katatapos ko lang magbihis, magayos, magpabango, magbasa ng buhok para naman presentable kahit tanghaling tapat. Pag labas ko ng bahay, naghintay pa ko ng tricycle na masasakyan. Medyo natagalan pa ko nun at walang dumadaan. Nung nakasakay nako, nagpahinto na ko agad sa Buhangin. Dali dali agad akong tumawid para makasakay ng jeep papuntang Airport. Tamang tama, kakilala ko pa ang nasakyan ko. Siya na rin mismo nagturo sakin pano pumasok sa Airport at saan dadaan. Kaya medyo nagka idea narin at feeling na dumiretso sa Entrance. Haha!

Pag pasok ko ng Airport, malayo pa ang nilakad ko para makarating sa mismong dungguan ng eroplano. Kinabahan pa ko at may van sa gilid ko na pahinto hinto. Tumigil ang mundo ko nung huminto talaga siya sa gilid ko. Lumayo ako konti at baka sakaling hilain nalang ako papasok at tuluyan ng kidnapin. Hindi ko na makakasama ang mahal ko! Hindi ko na siya makakapiling kapag nagkataon! Wala ng Cutie Little Patotie ng Buhangin! Naisip ko agad nun wala kaming pang ransom. Isa lamang akong hamak na Call center agent! Koya, huwag po, huwag po. Pero nawala din agad nung nakita kong huminto lang pala sila para mag text. Saka naman ako bumalik sa katinuan ko. 

Umupo ako sa may waiting shed sa pinaka gilid. Yung tipong hindi talaga kapansin pansin. Para naman siya ang unang makita ko, hindi yung ako ang unang makita niya. Doon palang sobra ng nanginginig binti ko. Lalo pa kong kinabahan nung may Cebu Pacific na kadarating lang. Alam ko nakasakay siya dun kaya medyo nag papanic na ko. Nagiisip narin ako ng pwedeng sabihin sa kanya lalo na't hiyang hiya na ko. 

12:40 PM






--
Kailangan ko pa bang i-kuwento ang buong detalye? Sa sobrang kaba ko, ganyan ang naging usapan namin. Napaka tigas ng mukha niya at ako pa talaga ang pinapalapit niya. Ako pa na sobrang kinakabahan at nanginginig. Dagdag pa bawat lait niya, edi lalo akong nahiya. Pero kalaunan, habang papalapit ako sa kanya, unti unting nawawala ang takot ko. Unti unting nawawala ang hiya ko at mas ginugusto kong mas lumapit pa sa kanya. At talagang hindi siya umakyat ah, talagang pinanindigan niyang sa loob ako papuntahin. Halos kami nalang dalawa ang natirang tao dun. Nung lumapit na ko sa kanya, dumikit ako sa posteng naka pagitan saming dalawa. Dun ako nagtago. Nagtalikuran kaming dalawa habang pinakikinggan ko lang at pinagmamasid ang mga ginagawa niya. Sa isip ko nalang, "Tangina! Ang laki niya!" pero hindi ko nalang sinabi sa kanya yun at baka masapak niya ko. Ang laki pa naman ng kamao. Kinakausap niya sa phone ang tita namin, sinasabi niya dun na sobrang pakipot ko daw at hindi ako nagsasalita, pinapatagal ko pa ang paglapit sa kanya. Habang ako naman tulala. Tulala sa isang tabi. Nanginginig pa rin ako. Nung pinasa niya sakin ang cellphone para kausapin ko si tita, nginig pa kong inabot yun. Binalik ko rin agad kasi nahiya talaga ko. Saka niya ko niyakap ng mahigpit. Saka ko rin siya niyakap. Pero saglit lang yun kasi di ko siya maabot. Hahaha! Saglit na kilig lang, pero atleast, nayakap ko na ang pinakamamahal ko. Isang oras din kaming nagpapakipot sa isa't isa nun kaya sobrang sulit ang pagsasama naming dalawa. 

Nung naglalakad na kami paakyat, wala parin ako sa sarili. Hindi ko alam kung san kami dadaan o sang direksyon kami dadaan. Dun kami sa may hintayan ng taxi. Tulala saglit habang tinititigan niya ko. Hindi ko siya matignan ng diretso sa mata, ramdam ko yung hiya kong nilalamon ang mukha ko. Titig siya ng titig habang ako naman natatawa ng sobra. Nung palakad na kami para lumabas ng Airport, inabot niya kamay niya. Akala ko kung ano, kaya sabi ko, "Ha?" eh eto namang si loko biglang nagtampo. Kesyo daw ayaw magpahawak, ayaw magpa holding hands. Aba loko eh, wala pa nga ko sa sarili ko. Agad ko namang hinawakan kamay niya. Matagal ko naring gustong mahawakan ang malulusog na kamay ng baby ko. Nung mga oras na yun, puro saya at tuwa lang ang naramdaman ko. Ramdam kong kasama ko na siya. Hawak ko na siya kahit napaka init ng paligid na halos magka heat stroke na kami. Ramdam ko ang pagiging proud niya sa kung ano kami dahil kahit sinong taong makakita, wala kaming paki. Wala siyang paki. Kahit pa sabi nung guard, "Sweet nila oh." wala na talaga kong pinapansin na iba basta lang hawak ko siya.

At dahil sa trip kong magjeep, nag jeep kaming dalawa kahit na gusto niyang mag taxi. Pinag jeep ko pa talaga siya siguro dahil narin sa gusto ko siyang makasama sa bawat pagkakataon. Tagal pa naming nakasakay nun. Nakaupo lang ako habang nagaabang siya ng masasakyan. Di ko nagawa yung usapan naming bubuhatin ko siya kahit pa naka bag siya, dahil partida palang na bag niya, di ko na mabuhat. SIYA PA KAYA? Nung nakasakay na kami ng jeep, talagang tabi kami. Syempre bagong kita, sariwa pa ang pagsasama kaya dapat magkatabi. Usap usap kami sa loob ng jeep. Pinakita niya pictures galing sa iPhone 6 niya. Tawa tawa pa ko nun habang nakikinig sa kanya nang bigla siyang nangagat. Laking gulat ko kinagat niya ko sa braso. Tigas pa naman ng gate niya sa ngipin. At dahil sa gusto kong gumanti, siya ang pinabayad ko ng pamasahe. Ayun, natakot! di alam ang sasabihin. Tawang tawa lang talaga ko habang kasama ko siya.

Pagbaba namin ng buhangin, naghanap na kami ng pedicab na masasakyan pauwi samin. Doon nagiisip na ko ng pwedeng linyang gamitin sa pagpapakilala ko sa kanila ni mama. Nagiisip na ko kung anong pwedeng sabihin para makabuo ng usapan. Tinanong ko narin siya sa mga sasabihin niya, ginu-goodluck ko pa siya. Pero sadyang mayabang at easy lang daw yun. May tiwala naman ako sa pagmumukha niya kaya kumalma narin ako.

Pagbaba namin sa may kanto, unti unti ng tumatalon ang puso ko sa kaba. Tinuro ko sa kanya ang bahay namin na may maliit na gate. Pag pasok namin, pinaupo ko muna siya sa sala tapos pinuntahan ko si mama sa kwarto niya. "Asan na siya?", ang tanong ni mama. Sabi ko, "nasa sala, nagaabang." Lumabas na si mama at kinausap si Pat. Unang bungad niya, "Hi po..." sabay ngiti. Naging okay din naman si mama at tinanong siya tungkol sa flight niya. Doon nabuo ang usapan nila. Napahaba din ang usapan nila habang naglilinis naman ako ng kwarto ko.

Pagkatapos nun, tinanong ako ni mama kung anong uulamin. At dahil naplano na namin ni Pat na sardinas at itlog ang ulam, yun ang sinabi ko. Edi solve ang kain namin at nabusog din naman siya kahit papano. Minsan lang makakain ang rich kid ng sardinas. Hahaha! At dahil hindi ko gawain ang mag hugas, siya ang pinahugas ko. Okay lang din naman sa kanya. Mas natutuwa ako na gumagawa siya ng gawaing bahay samin. Alam mo yon? pasipsip narin kay mama. Nung natapos na siya sa pang huhugas, pinabihis ko muna siya at sobrang init sa bahay. Kulang nalang kwintasin ang electricfan mahanginan ka lang talaga.

Pinakita niya sakin ang mga daling gamit niya. Ang mga susuotin niya sa bawat araw ng pananatili niya sa bahay. Lumapit ako sa kanya saka tinitignan lang siya sa ginagawa niya. Hindi ko alam kung anong sumanib sa kanya, pero bigla siyang ngumuso. Yung tipong parang inaabot niya ang nguso niya at aabutin ko naman gamit ang nguso ko. Nung oras ding yun, hinalikan ko si Pat. Unang pagkakataong mahalikan ko siya. Na sa hinaba haba at tinagal tagal na panahon ng pagaasam kong mahalikan siya, nangyari na rin. Natupad na rin. Alam ko din namang tuwang tuwa siya dahil sobra din niyang pinapangarap na mahalikan ako. Kaya napaka suwerte niya talaga sakin. Tagal ding panahon na hindi na ko nakakahalik.

Unang bonding namin ni Pat at ni Thirdy. Habang may kausap siya sa phone at may pinapautlong, sinusulatan namin ang legs niya. Legs niyang pagka lusog lusog at pagka laki laki. Pinagtripan naming drawinga, sulatan at lahat lahat na ang parte ng katawan niyang yun. Di rin naman siya pumalag. ABA naman talaga kapag pumalag siya..

Pages