INVADED DUBAI

Nice! Ang tagal ko narin palang hindi nakakapag post dito. Madami dami narin ang nangyari at nagbago sa buhay ko. Well sa dami ng ikukwento ko, sisimulan ko muna sa pagpunta ko at naging buhay ko dito sa Dubai.

After kong umalis sa Six Eleven, naging tambay din ako ng ilang buwan. Hanap hanap ng trabaho, apply apply online para lang makapasok agad at magkapera. Siguro tinamad narin ako n'on kaya nagpa chill chill na lang muna ako sa bahay. Pero kakaiba talaga kapag nanay ko na ang natakot at baka raw wala akong future, paano nalang ang magiging kinabukasan ko kapag hindi ako nagtrabaho. Pero sabi ko naman sa kanya wag siyang matakot, nagpapahinga lang ako pero babalik at babalik ako sa trabaho. Pero ilang baso ata ng kape ang ininom niya at namimilit talaga siyang maghanap na ko. That time napaisip na ko. Kaya nung nag desisyon nakong maghanap, pumunta muna ko sa tatay ko para mag-share at humingi ng guidance. Na sana gabayan niya ko sa bawat pangyayari sa buhay ko, sana wag niya kong iwan at sana tulungan niya kong makahanap ng trabaho. Tapos umuwi na ko..

Pagka uwi na pagka uwi ko, bungad ang tanong ni mama sakin.

"Gusto mo mag Dubai?"

Parang sa isip ko, Dubai? mukhang maganda yun ah! Mag-aabroad ako! Sasakay ako ng airplane! Tapos travel travel ang ganap ng buhay ko! Tapos magkakapera na ko! 

"Sige ba!"
"Sige tatanungin ko si ate mo baka pwede ka niyang makuha." - sagot ni mama

Never kong inexpect talagang inisip na yun ang magiging option ko magka trabaho lang. Kinausap naman ni mama yung ate kong nasa Dubai, and yes, tutulungan niya raw ako basta ihanda lang ang magiging gastos at siya na ang mag paprocess. Hindi na namin pinaabot ni mama ng ilang linggo, kumuha na kagad kami ng passport at mga kakailanganging mga papel ko sa paglipad. Diba ang bilis? Tipong para lang kaming lilipat ng bahay sa sobrang bilis namin mag desisyon. Kumuha pa kami ng passport na pinaglinyahan namin ng DALAWANG ARAW! dahil masyadong maraming tao sa DFA at iilan lang ang pinapapasok nilang mga aplikante. Dun na kami natulog at kitang kita ko kung gaano kapagod si mama sa paghabol, sa paghiga sa daan at sa buhangin makalinya lang. Magkasama kami sa lahat ng bagay, lahat ng kailangan asikasuhin at lahat ng kailangan kunin maging successful lang ang pagalis ko. Sobrang ready na ang lahat kahit na medyo may takot pa ko at baka harangin ako sa immigration dahil narin sa mga nababasa kong comments online. Kaya sa sobrang takot ko, pinauwi ni mama ate ko para sunduin ako at samahan ako. Lahat ng gastos sinalo ni mama para lang hindi ako mahirapan. Ubos pera, ubos biyaya nung mga panahong yun. Sobrang dami ng sinacrifice ni mama para sakin at sa future ko. Kaya pinagpatuloy ko. Pinagpatuloy ko kahit wala akong kaalam alam sa buhay, kahit hindi ako marunong tumawid, magluto, maglaba dahil palagi lang akong nakatawag kay mama, pero kinaya kong lahat yun para lang hindi ako mahirapan. 

MARCH 2, 2016

Araw ng pag-alis ko. Nakahanda na ko, kita ko yung lungkot kay mama habang sinusuot ko na yung jacket ko. Yung kwarto ko, lugar kung saan nanatili ako ng 20 years, iiwanan ko na. Yung kwarto kong palagi kong kasama at naging saksi sa mga pinag gagagawa ko sa loob. Nagtawag na ng taxi pero kitang kita ko sa mukha ni mama na sobrang naiiyak na siya at gustong gusto niya na kong yakapin kaya sabi niya nalang "magsakit man akong dughan oi pagaksa ko bi"  niyakap ko siya ng sobrang higpit tapos sumakay na ko sa taxi. Inaasar pa si mama na iiyak tsaka babalik din ako kinabukasan o sa susunod na buwan. Hahaha! 

Pag pasok ko ng Airport, sunod lang ako ng sunod dahil wala naman talaga akong alam sa mga gagawin. Naging okay naman kahit papaano. First time ko ulit makasakay ng airplane! Woohoo! Kakaibang experience talaga. Pagdating namin ng Manila, doon na nagsimulang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko dahil ninenerbyos na ko sa mangyayari. Pero kailangan aurang aura ang mukha ko para mukhang tourist. Nung nasa Immigration na kami parang hinuhugot ko pa mula talampakan ang hininga ko para lang mawala ang kaba ko. Namili pa kami sino sa kanila para syempre may thrill. Inabot na ni ate yung mga papel naming dalawa. Tahimik lang. Tahimik lang ako pero yung tensyon, umaariba na. Tinignan ng officer yung papel naming dalawa kung magpinsan ba talaga kami at wala na siyang tinanong at boom!! Na stamp na! Okay na! Pasok na! Parang kinabig lahat ng pawis, kaba at takot nung naging okay na ang lahat. Bumili pa kami ng mga pwedeng basahin para may magawa kami sa 12 oras na byahe, imaginin mo yun?!!



Naghintay nalang kami ng ilang oras, siguro mga dalawa tapos tambay nalang sa waiting area. Tinext ko na si mama na okay na ang lahat kahit nung una sinabi ko sa kanyang hinarang ako na nagpa nerbyos naman sa kanya. Naiiyak na ko habang nagpapaalam sa kanya nun. Tangina sakit sa dibdib. Habang pasakay na ko sa mahiwagang eroplano, dami ko naring iniisip. 

Nung nakalipad na at nasa himpapawid na kami, syempre wala akong ibang ginawa kundi tumunganga. Naghanap pa ko ng internet pero mukha namang malabo. Nanood nalang ako ng movie sa laptop pero parang ngarag parin at hindi ako maka concentrate, patingin tingin nalang sa paligid. Pikit pikit,  tulog at lahat na ng pwedeng gawin para lang hindi ako mabagot. Nakikita ko na ang liwanag sa labas na unti unting gumagabi. Tipong parang ang sarap tumalon pabalik ng Davao. Pa ihi ihi nalang ako at sobrang lamig. Natagalan pa kami ng lapag dahil same issue nitong CEBU PACIFIC, DELAYED. Lagi nalang ganun. After 12 hours of waiting, saktong sakto 12 am na sa Dubai, nakarating narin kami! Sobrang tahimik pa sa loob, parang walang ka tao tao sadyang sobrang laki lang pala talaga ng Airport nila. Ang layo ng kailangan lakarin. But still, worth it! Worth it lahat ng pagod, hirap, antok at burlog! 



FINALLY!!!! Nakarating narin ako sa hindi ko naman masyadong pinangarap na lugar. Pero pinangarap ko siya konti kasi barok lang naman ang english dito at hindi ka mahihirapan. Pag lagpak na pag lagpak palang ng mga paa ko dito ang iniisip ko agad eh makahanap ng trabaho! Wala ng hintay hintay, wala ng stay stay. Pag labas namin, hinintay na namin yung sundo para makauwi na't makapag pahinga. Naging okay naman ang lahat. Naging okay narin yung pagtira ko kahit papaano. Marami rin pala kaming kasama sa bahay at naka partition kami syempre ako sa taas at ate ko tsaka jowa niya sa baba. Libre pa naman ako sa lahat dahil wala pang pera at bago pa lang. Medyo nag aadjust pa pero alam ko makakaya ko rin yun. 

Pages