Ang Pagtatapos ng Career ko sa Six Eleven





Kadalasan kapag natanggal ka sa trabahong matagal mo ng pinapasukan, mabo-broken hearted ka. Magiging bitter ka. Makakaramdam ka ng panghihinayang, nang puot o galit sa kung anumang dahilan kung bakit ka nawala.

Sa ilang taon ko sa Six Eleven Global Services and Solutions, marami din akong natutunan. Isa na doon ang maging Ninja Moves para hindi ka mahuli kapag nag browse ka sa oras ng trabaho. Doon ko rin natutunan magdasal. Magdasal na sana gumuho ang building sa sobrang inis ko sa kupal kong Team Leader. Ilang taon din bago ako naging ako. Pumasok ako sa opisina na isang Anghelita at walang bahid ng kasalanan kung titignan. Pero habang tumatagal, lalo akong nadedevelop. Na papractice ko na ang magsalita dahil na rin sa kadaldalan ng mga kasama ko. Pero hindi pa rin yun sapat para sa akin. May kaunting harang o barrier kumbaga sa akin na kailangan kong alalahanin dahil hindi ko minsan makasabayan ang aking mga ka trabaho. 

Lumipas ang dalawang taon, nailipat ako sa isang bagong account. Syempre nadismaya ako dahil saka pa ko nilipat ng Team Leader ko kung kailan matagal na ko sa amin. Kung kailan marami na rin akong natutunan maliban sa spamming. Nadismaya ako dahil sa ilang taon niyang pagbibitaw ng salitang gagawin niya kong Officer In Charge, wala man lang akong napala sa kanya. Pero syempre, hindi ko na dinibdib yun. Medyo lang. 

Nung nalipat na ko, ilang linggo rin akong nag adjust. Ilang linggo rin akong nagulat at nanibago sa takbo ng trabaho ko. Syempre nanggaling ako sa isang Day Shift account tapos naging panggabi. Maliban pa dun, nakakapanibago ang mga kasama ko. Kung dati'y may pagka bastos, may pagka manyakis, may pagka palabiro ang mga kasama ko, ngayon mas malala! At lalong lumala pa ang trabaho ko dahil naging isa akong Customer Service, Technical Support at tindera. Mahirap 'yon! Matapos rin ang isang buwan, nasanay ako sa ganoong trabaho at ang ikinaganda pa doon, naging malapit ako sa mga kasama ko.

Hindi ko aakalaing isa ako sa magiging bully sa kanila. Isa ako sa mga magpapatawa sa kanila na hindi ko magawa doon sa isa kong account. Siguro ay mabilis lang kaming nagkasundo at nasa personalidad narin 'yon ng tao. Maliban pa doon, kaedad ko rin sila kaya naging mas nagkasundo kami.

Matapos rin ang isang buwan, bigla na lang akong nakaramdam ng pagod at pagsasawa sa ginagawa ko. Hindi ko alam pero bigla na lang akong napagod at tinamad mag trabaho. Marami rin akong naging dahilan bakit ganoon ang naramdaman ko. Una, masyado akong sensitive sa pag aabsent ng kasama ko dahil nadadamay ang buong trabaho. Ganoon sila, nag aabsent ng madalian lang. Pangalawa, ayoko sa manager namin. Nasa ibang bansa siya pero palagi siyang naka monitor sa amin. Sobrang demanding na tila siya ang may-ari ng kumpanya, pero wala tayong magagawa. Pangatlo, napapagod ang katawan ko sa katutulog ng araw, at trabaho ng gabi. Nasanay naman akong umaga na matulog pero kapag oras ng trabaho sumasakit ang ulo ko. Bawal kang magreklamo. Bawal kang mag demand dahil isa ka lang hamak na trainee at kailangan mong sumunod sa mga utos nila para manatili ka sa account na 'yon. Ilang beses at matagal ko ring pinagisipan ang bagay na yan. Syempre hindi ako nagpadalos dalos dahil baka magsisi ako. Pero dumating din sa puntong umayaw na talaga ako at kinausap ko ang Team Leader ko. Ang sagot lang niya ay pagisipan ko muna at baka nadadala lang ako sa nararamdaman ko. Oo, nadadala nga ako. Kailangan ko daw munang balansehin para hindi rin masayang ang taong inukol ko sa kumpanyang 'to. After ng paguusap na 'yon, walang nagbago sa pamamaraan at pakikitungo ko sa trabaho ko. Naging walang ka buhay buhay ang ginagawa ko at parang no choice na lang ang naiisip ko bakit pumapasok pa ko. Hindi na ko masaya sa trabaho ko kahit pa masaya akong nakakasama ko ang mga kaibigan ko. 

Pages