Regret No More


Carlito Najial Montilde
(April 18, 1968 - Jan. 18, 2005)

Siya ang isa sa mga pinaka importanteng tao sa buhay ko. Taong kahit kailan hindi ako pinabayaan, binalewala at mas binigay lahat ng kailangan at gusto ko mapasaya lang ako- Siya ang tatay ko. Daddy ang tawag ko sa kanya dahil ayaw niya ng papa, tatay, ama at kung ano ano pa. Hindi ko lang din siya tinuturing na ama, siya pa ang nagiisa kong kaibigan, kasama sa bawat trip, mapa sing along buddy, mapa billiard, motor, drawing, hilot, apak sa likod, at lahat lahat na. Tinuturuan niya pa ko kung paano humawak ng armalite, pano lumangoy at pano mag drive. 

Sa sobrang close naming dalawa, halos magpalit na kami ng mukha. Pero hindi narin kailangan dahil natural na talaga na magkamukha kaming dalawa. Sa kanya kasi ako nagmana. Mapa lalim ng mata, mapa kutis at lusog ng katawan, nakuha ko sa kanya. Gaya nga ng palagi nilang sinasabi, Junior niya ako. Pero dahil bading ako, naging Juniora na ngayon. Sa sobrang malapit namin sa isa't isa, hindi pwedeng hindi kami makapag bonding sa isang linggo. Na kahit busy siya at subsob sa trabaho, hindi niya parin nakakalimutang maglaan ng oras para sa cute niyang anak- ako. Minsan kapag hindi naman kami nagkakasama sa araw, maguuwi siya ng pasalubong paguwi. Syempre, alam na niya lahat ng mga laruang gusto ko at di ko na kailangang sabihin yun sa kanya. Ganyan ako kamahal ng daddy ko. Talagang masasabi kong ramdam na ramdam ko yun.

Maliban naman sa pagiging sweet ng tatay ko, may #beastmode din siya. Napaka moody niya, oo pinagmanahan ko. Na kung akala mong mabait pa, pag kinulit mo, biglang magagalit. Lalo na kapag busy siya at may inaasikasong bagay. Kaya kapag kinukulit ko siya sa ganoong pagkakataon, halos bugahan niya ako ng apoy sa inis niya. Ako naman na masyadong OA, iiyak agad. Kapag sila naman ni mama ang magkaaway, gagawin nila akong Messenger. Kung nakaupo sa sala ang isa, sa kusina naman ang isa. Tatawagin ako ni mama sa kusina tapos pupuntahan ko si daddy sa sala para lang makapagusap sila. At pagkatapos naman nilang magusap sa pamamagitan ko, saka naman kami mag bobonding. Alam mo ba kung paano kami mag bonding? aapak apakan ko ang likod niya habang nakadapa siya at naka brief. Mula likod hanggang binti. Massage yun para sa kanya eh. Pagkatapos ay susulatan ko na ang buong katawan niya. Ako ang Tattoo Artist niya noon. Kaya kapag papasok na siya sa umaga, puno ng sulat ang katawan niya. Mula ulo hanggang binti, kitang kita lalo na't naka shorts lang siya.

Sa trabaho ng tatay ko, marami siyang pinagkakaabalahang bagay. Hindi siya puwedeng lumiban sa trabaho dahil marami siyang kailangan asikasuhin. Madalas pa siyang napapalayo sa amin kapag na aassign siya sa malalayong lugar para dun mag duty. Hindi lang araw kundi inaabot ng ilang linggo. Mahirap maging sundalo, alam ko. Kaya tinanggap ko yun at sinanay ang sarili kong wala siya palagi sa tabi ko. Pero kapag nandito siya, 


Kung superhero niyo sila Iron Man, Spider Man, Batman, Ultra Man o kung sinuman na kaya kayong pabilibin hanggang telibisyon lamang, ako talagang nakikita at nahahawakan ko. Minsan pumupunta pa sa paaralan para bisitahin at kamustahin ako. Magtatanong kung may nambubully sakin, may nagpapaiyak o nangaaway sakin. Minsan ako pa mismo ang magsusumbong sa kanya at talagang sasalakay agad siya kinabukasan. Alam mo naman, pero alam kong hindi mo alam, pero sobrang iyakin ko dati. Konting kantyaw lang, maninikip agad ang dibdib ko sabay iyak. Naalala ko nung Grade 3 pa lamang ako, kinantyawan ako ng kaklase kong lalake. Sabi niya, "Baboy!" aba ako naman na sobrang na butthurt, talagang nagsumbong ako pag-uwi. Edi galit na galit siya. Daig pa niya ang toro na naguusok ang ilong sa galit na gusto ng manungay. Edi sumalakay na siya kinabukasan. Naabutan niya yung nanay ng umaaway sakin at nag-usap sila. Sinabi niya na ayaw niyang may umaaway sakin at malalagot talaga sa kanya. At dahil hindi niya naabutan yung kaklase ko, nagpaalam na lang siya na babalik siya sa trabaho. Pag alis niya, sa sobrang takot nung nanay sa sinabi niya, sino ba kasing hindi matatakot sa kanya? laki laking tao, naka army attire tapos susugod lang sa skwelahan para hanapin yung umaway sakin. Pinagsabihan agad nung nanay yung anak niya na huwag na huwag akong awayin at huwag ng subukan pa para hindi siya mapagalitan. Tawang tawa ako, kasi hindi alam ng tatay ko na nanay pala yun ng taong umaaway sakin at hindi alam ng nanay na yung anak niya ang umaaway sakin. Oh ang labo diba? Kaya nga kahit may trabaho siya, hindi niya nakakalimutang bisitahin ako sa classroom. Lalong lalo na kapag may event. Event kung saan kakanta ako, sasayaw, sasali ng king and queen of hearts, recognition o graduation. Hindi niya nakalimutan lahat yan! Magkasama sila ni mama na sumusuporta sa bawat ginagawa ko. Kaya nga sobra akong naging active sa school dati. Lahat ng contest, sinalihan ko. Lahat ng event, wala akong pinalagpas. Sobrang sipag ko pang mag-aral noon. Tipong iiyak ako kapag pinaabsent ako ni mama. Umiiyak ako kapag hindi ako nakasagot sa exam. Naiinis kapag bagsak. Sabagay, sino bang natutuwa kapag bagsak? Walang katapusan ng marso na hindi sila nakaka-akyat ng stage para kunin ang medalya kong palaging 2nd honor. Siguro simula nung 3 years old na nag-aral ako hanggang grade 3. Sobra akong na pa-proud sa sarili ko na nasakin na ang lahat. Magandang estado sa pag-aaral, masayang pamilya at malaking tiwala sa sarili. Wala na kong mahihiling pa nun. Kumpletong kumpleto na ang pamilyang pinapangarap ng kahit na sinong bata.
Pero siguro hindi lahat ay pang matagalan..

January 16, 2005

Nagba-bonding kaming buong pamilya. Pamilya ko, mga tita at pinsan ko, pati ang lolo't lola ko. Naligo kami ng dagat gaya ng palagi naming ginagawa noon. Halos tuwing linggo kaming naliligo dahil alam ng tatay kong sabik na sabik ako kapag dagat na ang pinag-uusapan. Palagi kaming masaya kapag naliligo, sama sama at buo ang pamilya. Makikita mo ang bawat pagka enjoy sa mga mukha namin pati na ang mukha ng tatay ko. Pero biglang nagbago nung gabing yun. Tahimik lang siya sa tabi. Malalim ang iniisip at tila wala sa sarili. Ni hindi siya sumabay saming maligo. Siguro ay pagod lang siya galing trabaho kaya hinayaan namin siya. Pumunta ako malapit sa kanya habang basa. Siguro ay natalsikan siya ng tubig sa sobrang ligalig ko, kaya napagalitan niya ko. Tumatak yun sa isip ko hanggang ngayon.

January 18, 2005, maaga siyang pumasok sa trabaho kaya hindi ko siya naabutan. Pagka gising ko ay pumasok narin ako. Maayos naman ang araw ko simula nung umaga hanggang sa nag tanghalian ako. At dahil sa wholeday naman ang pasok ko, dumiretso nako para sa panghapon na klase. Habang nagkaklase na kami at nagsusulat ako, nagtaka ako kung bakit nandoon ang dalawa kong pinsan. Bigla silang dumating at kinausap ang teacher ko. Pagkatapos nilang magusap ay agad agad nila akong sinundo at inuwi sa amin. Nung nakauwi na kami, tahimik ang lugar. Dinaig pa ang inabanduna. Naabutan ko sa labas ang lola ko na may kausap. Hinahanap ko sila mama pero wala daw. Umupo ako sa isang upuan malapit sa kalsada para abangan silang umuwi. Maya maya nun, nakita ko ang kapatid ng tatay ko na dumadaan sakay ng pedicab. Nung nakita niya ko, bumaba siya at nilapitan ako. Bigla niya kong niyakap habang umiiyak, sabay sabing, "Wala na.." marami na kong naririnig na kakaiba sa mga panahong yun. Kaya medyo nagiba narin ang nararamdaman ko pero binalewala ko lang. Hinihintay ko parin silang umuwi. Sa paghihintay ko, nakaisip ako ng bagay. Bagay na hindi ko pa nagawa kahit kailan. Naisipan kong linisan ang jeep namin na nakaparking lang din sa may kalsada. Naisipan kong linisan para kapag nakauwi na sila, masusurprise at matutuwa ang tatay ko sa ginawa ko. Kumuha ako agad ng balde na puno ng tubig at basahan. Tinanong ako ni lola kung anong gagawin ko, sabi ko lilinisan ko ang sasakyan para matuwa sila Daddy. Nagulat sila pero hindi nila yun pinahalata, dahil alam narin naman nila ang totoo pero ayaw lang din nilang sabihin sakin dahil hinihintay din nilang makauwi sila Mama. Kaya tinuloy ko ang paglilinis ko ng jeep. Nung natapos na kong maglinis, hindi pa rin sila dumarating. Lumabas sa bahay nila ang isa kong pinsan at sinamahan akong naghintay kina Mama. Doon, nagtatalo na kaming dalawa. Palagi kong sinasabi sa kanya na alam kong may nangyayaring hindi tama, wala lang akong idea kung ano. Pero pinipilit niyang wala. Paulit ulit kong sinasabi sa kanya na meron, alam kong may nangyari. Ramdam ko. Mga ilang minuto nun, dumating sila mama. Nakasakay palang sila, palapit nako sa kanila. Pag baba ni mama, bigla niya kong niyakap sabay sabing wala na si Daddy. Habang nakatingin din ako sa mga tita, tito at mga pinsan ko na sobrang maga ang mata. Sila palang lahat ang sumama. Lahat sila nakasaksi sa mga nangyari sa ospital. Nung una, hindi ko alam ang irereact ko. Siguro dahil wala pa kong masyadong malay nun para maintindihan ang mga ganoon kahirap na bagay. Di ko alam kung natatawa ako o ano. Pero maya maya nun ay sobra sobra na kong umiiyak. Nung gabing yun, hinatid na ang katawan niya. Katawan niyang nakaayos na at nasa kabaong na.

Natatakot ako sa kanya. Siguro ay takot na talaga ako sa mga multo, kaya kapag tinitignan ko ang mukha niya, halos di ako nagtatagal dahil masyado akong duwag. Naiisip ko, bakit hindi ko siya nakita kahit nung mga panahong nahihirapan na siya? Bakit wala ako sa tabi niya nung mga panahong hirap na siyang huminga? Bakit wala man lang akong idea na sa panahong wala akong alam, wala na pala siya. Na kahit ako lang ang makita niya hanggang sa tuluyan na siyang pumikit, siguro ayos na sa akin. Pero hindi eh. Wala ako dun. Ni halos hindi niya naramdamang andun ako sa mga oras na nahihirapan siya. Ang masakit pa dun, hinanap niya pala ako. Hindi ko lang lubos maisip kung bakit. Bakit hindi pa ko pinagbigyan ng panahon na makasama siya kahit sa mga huling sandali niya? 



Nung nawala siya, hirap kaming mag adjust ni mama. Alam niya kung gaano kami ka-close ng tatay ko kaya isipin nalang daw namin na nasa malayong lugar siya at nagtatrabaho. Sobrang hirap sa umpisa lalo na kapag nakikita ko si mama na umiiyak sa sulok. Ramdam na ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya nung nawala ang tatay ko. Kitang kita ko sa bawat pag-iyak niya kung gano kahirap mawalan ng minamahal sa buhay. Sa bawat pagtugtog ng mga kantang mas lalong nagpapalungkot sa kanya. Sa bawat ala alang bumabalik sa isipan niya. Sobra din akong nahirapan. Sa bawat panahon na lumilipas. Bawat araw. Wala ng taong pumupunta sa skwelahan para kamustahin ako. Wala ng taong pinagtatanggol ako kahit sa kadramahan ko lang naman. Wala ng tao na palagi kong kalaro at kasama sa lahat ng bagay. Minsan kapag nakakakita ako ng mag-amang magkasama at masaya, naiinggit ako. Mga tatay na todo suporta sa mga anak nila. Mga tatay na dinadalhan at binibigyan ng pasalubong ang mga anak nila para sumaya. Saka ko naranasan ang maging malungkot. 




Unti unti naring nawawala ang tiwala ko sa sarili at maging ang kakayanan kong makipagusap sa iba't ibang tao. Mas naging mapag-isa ako at mas nasanay ako dun. Ilang taon narin simula nung nawala ang tatay ko. Alam kong masakit padin para sakin ang nangyari pero siguro ay ganun talaga ang buhay. Hindi lahat ng tao nagtatagal sa atin. May mawawala at mawawala talaga pero ang importante, napagbigyan mo sila ng importansya habang nabubuhay pa sila. Naparamdam mo ang pagmamahal mo nung kasama mo pa sila. Kaya siguro wala ako dun sa mga panahong naghihirap siya, kasi alam ng kahit na sino, mapa tadhana man o mapa panahon na sobrang importante sakin ng tatay ko at sobrang masasaktan ako kapag nakita ko siyang nahihirapan na wala akong magawa. Hinayaan ng panahon na wala akong idea sa nangyari para hindi mag flashback lahat ng sakit ng yun kapag naaalala ko siya. Kaya kapag naiisip ko ang tatay ko, puro happy memories ang nakikita ko at wala ng iba. Sa bawat pagsisising nararamdaman ko yun ang palaging sinasagot ko. Kaya masaya na ko ngayon.



Alam ko na kahit nasan man siya ngayon, mahal na mahal ko parin siya at hinding hindi siya mapapalitan ng kahit na sinong tao man sa mundo. Siya parin ang THE BEST DADDY na nangyari sa buhay ko. Hindi man nagtagal, sobra ko paring pinasasalamatan, dahil pinaramdam niya sakin ang walang kapantay na pagmamahal.


Pages